Tuloy na tuloy na ang May 14 barangay and SK polls. Sa kauna-unahang pagkakataon, maipapatupad na rin ang SK Reform Act of 2015.
Nakapaloob sa SK Reform Law ang anti-political dynasty provision kung saan hindi pinahihintulutang kumandidato ang sinoman kung may kamag-anak siyang opisyal sa lugar kung saan niya balak tumakbo sa halalan. Mula ito sa posisyon ng gobernador hanggang sa barangay level.
Pasok sa second degree of consanguinity and affinity ang lolo o lola, apo, kapatid na lalaki o babae at in laws.
Ngunit aminado ang Commission on Elections na isang malaking hamon ang pagpapatupad sa naturang probisyon ng batas lalo na sa mga lalawigan.
Ayon kay Comelec Spokesperson James Jimenez, sa ngayon ay may natanggap na ding ulat ang poll body na pinipigilan ang ilang nais kumandidato dahil hindi kamag-anak ng kasalukuyang opisyal sa Lanao del Norte.
Kaya naman mahigpit na sasalain ng Comelec ang Certificate of Candidacy (COC) ng mga nais tumakbo sa halalan.
Sinomang nagsinungaling o naglagay ng hindi tamang impormasyon sa kanilang COC ay maaring madiskwalipika sa pagtakbo sa halalan.
Nagbabala rin ang Comelec sa mga naninigil ng bayad sa mga nagsusumite ng COC. Batay sa natanggap na ulat ng ahensya, 200 hanggang 5,000 piso ang sinisingil umano sa ilang Comelec field offices.
Pinapayuhan ng Comelec ang publiko na kaagad na i-report sa kanilang tanggapan sa numerong (02) 5270821 at (02) 5259296.
Maaari rin na isumite ang kanilang reklamo sa pamamagitan ng social media accounts ng poll body.
( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )
Tags: Anti Political Dynasty, COMELEC, SK