4.5 percent ang itinaas ng inflation rate ng bansa noong Abril, mas mataas kumpara noong buwan ng Enero hanggang Marso. Nangangahulugan na naramdaman ng publiko ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa nakaraang mga buwan.
Paliwanag ng Department of Finance (DOF), ang malaking dahilan ng pagtaas ng inflation rate ay hindi dahil sa tax reform law kundi dahil sa pagtaas ng halaga ng tobacco.
Sinusugan naman ito ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) at inulat na may ibang dahilan na nagpagalaw sa inflation rate ng bansa; tulad na lamang ng pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo sa pandaigdigang merkado at ang hindi inaasahang pagtaas ng presyo ng mga bigas.
Ayon naman sa Department of Trade and Industry (DTI), bahagya lamang ang itinaas sa presyo ng mga pangunahing bilihin dahil sa TRAIN law.
Mababa lamang sa piso ang itinaas sa presyo ng sardinas, kape, powdered milk at instant noodles; gayundin sa canned meat loaf at corned beef, samantalang ang semento ay halos 2 piso ang itinaas.
Ayon kay Senator Bam Aquino, dapat ipatigil na ang implementasyon ng dagdag excise tax sa produktong petrolyo na bahagi ng TRAIN law. Ngunit hindi naman sang-ayon dito si Sen. Sherwin Gatchalian.
Nagbabala naman ang Department of Budget and Management (DBM) sakaling masuspinde ang pagpapatupad ng TRAIN law.
( Nel Maribojoc / UNTV Correspondent )