Posibleng ilabas na sa susunod na linggo ng Department of Transportation ang binuong implementing rules and regulations ng Speed Limiter Law sa bansa.
Ayon kay DOTr Undersecretary for Road Transport Thomas Orbos, natapos na nila ang IRR ng naturang batas at sisimulan na nila ang implementasyon nito sa Disyembre.
Ang Speed Limiter Law ay ang batas na siyang nag-uutos ng paglalagay ng speed limiter device sa lahat ng mga sasakyan lalung-lalo na sa mga public utility vehicle. Ang bawat speed limiter device ay sinasabing nagkakahalaga 15 hanggang 25 thousand pesos.
Paliwanag ni Usec. Orbos, prayoridad muna na maipatupad ang Speed Limiter Law sa lahat ng mga pampublikong sasakyan dahil sa bulto ng mga pasaherong sumasakay dito araw-araw.
Nakatakda ring lagdaan sa susunod na linggo ng DOTr, Department of the Interior and Local Government, at iba pang law enforcement agencies ang isang kasunduan na sinasabing magpapatatag sa implementasyon ng naturang batas.
Samantala, isang motorcade caravan naman ang isinagawa kahapon ng Inter-Agency Council for Traffic kasama ng iba pang pribadong grupo sa kahabaang ng Commonwealth at Katipunan Avenue sa Quezon City bilang paggunita sa World Day of Remembrance for Road Traffic Victims.
Sa datos ng PNP Highway Patrol Group, umabot na sa higit dalawamput-tatlong libo ang naitalang aksidente sa bansa simula pa noong taong 2010 hanggang ngayong ikatlong quarter ng 2017.
( Joan Nano / UNTV Correspondent )
Tags: Disyembre, DOTr, Speed Limiter Law