Implementasyon ng K to 12 program, pinasususpende ni Sen. Trillanes sa Korte Suprema

by Radyo La Verdad | May 6, 2015 (Wednesday) | 3118

Antonio-Trillanes-3

Naghain ng petisyon sa Korte Suprema si Senador Antonio Trillanes the Fourth kasama ang Magdalo Partylist upang ipasuspende ang pagpapatupad sa K to 12 program sa susunod na taon.

Hinihiling ni Trillanes sa Supreme Court na mag issue ng Temporary Restraining Order laban sa implementasyon ng K to 12 at ideklarang Unconstitutional ang Republic Act 10533 o ang K to 12 Law.

Sinabi ni Trillanes na labag sa Section 16, Article 13 ng 1987 Constitution ang pagpapatupad sa K to 12 dahil walang sapat na konsultasyon sa mga apektadong sektor partikular ang mga estudyante, mga guro, at mga empleyado sa kolehiyo noong binabalangkas pa lamang ang naturang batas.

Labag din umano ito sa Section 5 Article 14 ng Saligang Batas dahil mawawalan ng trabaho, at tinatayang 85,000 mga guro at empleyado sa mga kolehiyo kapag natuloy ang implementasyon ng K to 12 program dahil walang papasok na mga freshmen sa kolehiyo sa susunod na taon.

Giit ng Senador, hindi pa handa ang DepEd na ipatupad ang K to 12 dahil hanggang ngayon hindi pa rin natutugunan ang karagdagang mga klasrum, guro, libro at mga upuan na kakailanganin sa pagpapatupad ng K to 12.

Ayon pa sa Senador, mas makabubuti kung suspendihin muna ang K to 12 at unahing tugunan ang kakulangan sa klasrum, libro at pasahod sa mga guro.

Si Trillanes ang nag iisang Senador na tumutol sa pagsasabatas ng K to 12 Law.

Ito na ang ikatlong petisyon na isinampa sa Korte Suprema laban sa K to 12 program.

Unang naghain ng hiwalay na petisyon laban sa K to 12 ang isang Coalition ng mga guro at magulang nitong nakaraang Marso habang naghain din ng hiwalay na petisyon nitong nakaraang abril ang grupo ng mga propesor sa kolehiyo sa pangunguna ng National Artist na si Bienvenido Lumbera.

Samantalang una nang iginiit ng Department of Education na handa ito sa pagpapatupad ng K to 12 program. (Roderic Mendoza /UNTV News)

Tags: , , ,