Implementasyon ng K to 12 law, walang magiging pagbabago – DepEd

by Radyo La Verdad | November 13, 2018 (Tuesday) | 8975

Walang magiging pagbabago sa ginagawang implementasyon ng Department of Education (DepEd) sa Republic Act 10533 o ang Enhanced Basic Education Act of 2013 na mas kilala bilang K to 12 law.

Ayon sa DepEd, sa simula pa lamang ay kumpyansa na sila sa legalidad ng naturang batas kaya’t tuloy-tuloy lang ang pagpapatupad nila rito sa kabila ng mga pagkwestyon sa batas sa Korte Suprema.

At ngayong idineklara na ng mataas na hukuman na constitutional ang K to 12 law ay tuloy pa rin ang implementasyon nito at hindi magkakaroon ng malaking pagbabago rito.

Batay sa desisyong inilabas ng Supreme Court (SC), dinismiss nito ang pinagsama-samang petisyon na isinampa ng ilang paaralan, guro at mga magulang na kumukwestyon sa legalidad ng K to 12.

Ayon sa SC, may kapangyarihan ang pamahalaan na magpasa ng batas gaya ng K to 12 law at magpalabas ng mga panuntunan pang-edukasyon para sa kapakinabangan ng mga mamamayan nito.

Muli namang pinuri ng DepEd ang naging desisyong ng korte.

Ayon pa sa mga opisyal ng DepEd, napatunayan din na hindi totoo na dagdag pasakit at gastos para sa mga magulang ang karagdagang dalawang taon sa senior high school sa ilalim ng programa.

Kabaliktaran pa anila ang nangyari sa sinasabi ng mga kritiko na maraming mga kabataang Pilipino ang hindi makakapag-aral o magiging out of school youth dahil dito.

Nananawagan naman ang DepEd sa lahat ng grupo at sektor na imbes tumuligsa ay suportahan ang programang magbibigay ng de-kalidad na edukasyon sa mga kabataang Pilipino.

 

( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,