Implementasyon ng doble plaka, ipinasususpinde ni Pangulong Duterte

by Radyo La Verdad | April 8, 2019 (Monday) | 2678

Metro Manila, Philippines – Kakausapin ni pangulong Rodrigo Duterte si senator Richard Gordon kaugnay sa planong pagamyenda sa ilang probisyon ng motorcycle crime prevention act.

Sa kanyang talumpati noong Sabado sa  25th national federation of the motorcycle clubs of the Philippines, sinabi ng pangulo na nais niya munang ipasuspinde sa land transportation office implementasyon ng doble plaka.

Ito’y dahil aniya sa panganib na maaring idulot ng paglalagay ng plaka sa harapan ng motorsiklo.

“So i will try to convince the lto to maybe hang on to it. I-suspend ko lang muna. kasi it is not good. It is dangerous to place another gadget, lalo na may kanto. May kanto ‘yang plate number eh. It could be a plastic or it could be an aluminum but still with an impact na ganon, tutusok ‘yan sa helmet mo. Delikado eh. Anything that is sharp there, hindi maganda.” tinig ni pangulong Rodrigo Duterte

Sa halip na gawing doble, ayon sa pangulo mas makakabubuti kung lalakihan na lamang ng 1/4 size ang kasalukuyang sukat ng plaka sa likod ng motorsiklo upang mas madali itong mabasa.

Kasama rin sa nais ipabago ni pangulong Duterte ang halaga ng multang ipapataw sa mga lalabag sa bagong batas.

Mula sa dating 50,000 ipinababa ito sa ten to fifteen thousand pesos.

“Fifty thousand is  mas mahal pa sa motor ang ano na lang sir, i-compromise siguro mga ako, i’m willing 10 to 15,000, okay na ‘yan”. Ani pangulong Rodrigo Duterte

Ayon pa sa pangulo, pinirmahan lamang niya ang naturang batas batay na rin sa rekomendasyon ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP).

March 8 nang pirmahan ni pangulong duterte ang motorcycle crime prevention act kung saan inaatasan ang lto na gumawa ng mas malaki at color-coded na mga plaka ng motorsiklo.

Sa ngayon ay binabalangkas na ng lto ang implementing rules and regulations ng bagong batas, subalit posibleng mabago pa ito batay na rin sa rekomendasyon ng pangulo.

Tags: ,