Implementasyon ng Child Safety in Motor Vehicles Act, ipinagpaliban ni Pangulong Duterte

by Erika Endraca | February 12, 2021 (Friday) | 663

METRO MANILA – Matapos umani ng batikos ang paglalagay ng car o booster seat para sa mga batang 12-taong gulang pababa, nagbigay na ng direktiba si pangulong rodrigo duterte na hindi muna ipatutupad ng pamahalaan ang child safety in motor vehicles act.

Bukod sa kritisismo, ilang mambabatas din ang nanawagang suspendihin muna ang pagpapatupad ng batas dahil nararanasang pandemiya.

Nilinaw naman ni Sec. Harry Roque na ang pagpapaliban ay magbibigay daan para maamyendahan ang batas.

“Nagdesisyon na po ang ating president, ipinagliban po o deferred ang implementasyon ng child car seats” ani Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque.

Bukod dito, hindi rin mandatory ang motor vehicle inspection system.

Giit ng administrasyong duterte, dahil sa kinakaharap na krisis sa kalusugan, wala nang dapat dagdag na pasanin ang mga motorista.

“Hindi na po mandatory ang MVIS. Ibig sabihin, kinakailangan wala pong bagong singil, walang karagdagang singil para sa pagpaparehistro ng mga sasakyan” ani Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque.

Bago ito, inirekomenda ng senate committee on public services ang pansamantalang suspensyon ng operasyon ng private motor vehicle inspection centers.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: