Implementasyon ng Alert Level 4 sa NCR, simula na ngayong araw (Sept. 16)

by Erika Endraca | September 16, 2021 (Thursday) | 5703

METRO MANILA – Simula ngayong Huwebes, September 16, nasa ilalim na ng alert level 4 ang buong Metro Manila na tatagal ng 2 linggo.

Kasabay nito ay ang pagpapatupad ng mga granular lockdown.

Batay sa guidelines na ibinigay ng dilg sa Metro Manila mayors, isasailalim sa granular lockdown ang isang bahay o condominium kapag mayroong isang residente na nagpositibo sa COVID-19.

Habang 2 kaso naman ang magiging batayan para ilockdown ang isang kalye.

Muli naman nilinaw ng Metro Manila Council na hindi na malawakan ang gagawing granular lockdown, sa halip limitado lamang ito sa isang partikular na bahay, gusali, kalsada o eskinita.

“Katulad po sa isang floor ng isang condominium, alam naman po natin sa NCR marami po tayong condominium building, basta magkaroon lang po ng isang case po doon, ‘yung mismong isang floor na ‘yun, ay puwede na po natin i-lockdown po ‘yan,” ani Metro Manila Council Parañaque City/Chairman, Mayor Edwin Olivarez.

Iiral ang granular lockdown sa loob ng 14 na araw kung saan hindi papayagan na maglabas-pasok kahit pa ang mga Authorized Person Outside of Residence (APOR).

Sasagutin ng lokal na pamahalaan ang suplay ng foodpack sa unang linggo ng lockdown.

Habang ang DSWD naman ang bahala sa natitirang 7 araw.

Nilinaw ni Metro Manila Council Chairman Mayor Olivarez na walang ibibigay na cash aid sa mga maaapektuhan ng granular lockdown.

Pwedeng magpadeliver ng pagkain pero hanggang sa drop off site lamang at saka ihahatid ng mga opisyal ng barangay o pulisya sa bahay ng mga naka-quarantine.

Magiging mandatory din ang swab test sa lahat ng mga nakalockdown bilang pagpapaigting sa contact tracing.

“Katulad po sa ating mga lockdown sa mga nakaraan, region wide po sya, city wide po sya. Sa pamamagitan ng micro granular lockdown, magkakaroon po ng interpretation ang bawat LGU po dito immediately po tayo magkakaroon ng proactive na implementation… Ito po yung kapalit ng ating regional lockdown, yung granular lockdown” ani Metro Manila Council Parañaque City/Chairman, Mayor Edwin Olivarez.

(JP Nuñez | UNTV News)

Tags: , ,