Binusisi kahapon ng ilang senador ang ginagawang trabaho ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Department of Public Works and Highways (DPWH) upang masolusyunan ang mga nararanasang pagbaha partikular na sa Metro Manila.
Paliwanag ng DPWH, maliit na porsiyento pa lamang ng 2012 Flood Control Management Masterplan ang naipatutupad.
Aabot sa 353 bilyong piso ang halaga ng buong proyekto sa ilalim ng masterplan at inaasahan itong matatapos sa taong 2035.
Kabilang na ang pagtatayo ng Pasig-Marikina River improvement at dam construction na nagkakahalaga ng halos 200 bilyong piso.
Ayon sa DPWH, bago matapos ang taon ay matatapos na ang disenyo para sa itatayong dam na malaki ang maitutulong upang mapigilan ang mabilis na pagtaas ng lebel ng tubig sa Marikina River.
Nananatili namang basura ang nakikitang problema ng mmda kaya nagbabaha ang ilang lugar sa Kamaynilaan.
Aminado ang DPWH na hirap silang ipatupad ngayon ang ilan sa mga flood control projects.
Dahil sa ilang problema na ito, dapat na umanong hingan ng tulong ang local government units sa implementasyon ng mga flood control projects.
( Nel Maribojoc / UNTV Correspondent )
Tags: DPWH, Metro Manila, MMDA