Impeachment sa ilang matataas na opisyal ng gobyerno, may iba-ibang motibo ayon sa ilang eksperto

by Radyo La Verdad | October 13, 2017 (Friday) | 5525

Hindi pa masabi sa ngayon ng ilang eksperto kung iisang grupo lamang ang nasa likod ng pagsusulong ng impeachment laban kina Chief Justice Maria Lourdes Sereno, COMELEC Chairman Andy Bautista at Ombudsman Conchita Carpio Morales.

Ayon kay 1968 Constitutional Commission member na si Atty. Christian Monsod at political analyst na si Ramon Casiple, sa tingin nila ay iba-iba ang motibo ng mga nagnanais na mapatalsik sa pwesto ang tatlo.

Hindi rin anila pwedeng masabi na lahat ng ito ay pakana ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ngunit hindi rin umano pwedeng sabihin na nagkataon lamang na sabay-sabay na isinusulong ang impeachment sa tatlong opisyal.

Sinabi naman ni Lyceum of the Philippines University College of Law Dean Ma. Soledad Deriquito-Mawis, magkagayunman, hindi umano ang personal na interes ang dapat makapanaig sa proseso ng impeachment.

Sa resulta na anila ng impeachment trial sa senado magkakaalaman kung ano ang motibo ng tatlong impeachment kung ito ba ay upang panagutin ang nagkasalang opisyal o kung paraan ito upang makontrol nila ang mahahalagang pwesto sa gobyerno.

 

( Mirasol Abogadil / UNTV Correspondent )

 

 

Tags: , ,