Impeachment complaint vs Chief Justice Sereno, inihain at inindorso na sa Kamara

by Radyo La Verdad | August 31, 2017 (Thursday) | 2040

Nag-endorso ng impeachment complaint ang 25 mambabatas  na inihain ng abogadong si Larry Gadon laban kay Supreme Court Chief Justice Ma. Lourdes Sereno kagabi sa mababang kapulungan ng Kongreso.

Subalit madadagdagan pa umano ito sa mga susunod na araw dahil 42 kongresista ang una nang nagsabing lalagda sa reklamo. Culpable violation of the constitution at betrayal of public trust at corruption ang basehan ng complaint.

Dahil umano ito sa hindi tamang pagdedeklara ni Sereno ng kanyang Statement of Assets Liabilities and Networth o SALN, kuwestiyunableng travel allowances nito at kanyang mga staff. Maging ang paglalabas ng resolusyon ng Supreme Court nang hindi dumadaan sa En Banc at pagkakaroon ng mga mamahaling sasakyan, isa umano dito ay nagkakahalaga ng 5.1-million pesos.

Ayon kay House Speaker Pantaleon Alvarez, dadaan sa tamang proseso ang reklamo. Una nang sinabi ni Chief Justice Sereno na hindi siya natatakot sa anumang banta ng pagpapaalis sa kanya sa pwesto. Dahil tiwala siyang wala siyang ginagawang katiwalian sa kanyang opisina.

 

(Grace Casin / UNTV Correspondent)

 

 

 

 

 

 

Tags: , ,