Impeachment complaint na planong isampa vs sa 8 justices na bumoto pabor sa quo warranto, haharangin sa Kongreso

by Radyo La Verdad | May 18, 2018 (Friday) | 3922

Hindi papasa sa Kongreso ang impeachment complaint laban sa walong justices na bumoto pabor sa quo warranto petition upang mapatalsik sa pwesto si dating Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno.

Ayon kay Ako Bicol Partylist Representative Rodel Batocabe, haharangin nila ito dahil maaari itong magpahina sa Korte Suprema bilang isang institusyon.

Bagkus ang dapat aniyang kwestyunin ngayon ay ang kapabayaan ng Judicial and Bar Council na palusutin ang appointment ni Sereno.

Subalit nanindigan si Akbayan Partylist Representative Tom Villarin na ang Kongreso lamang ang may karapatan na mag-alis ng isang chief justice sa pamamagitan ng impeachment process.

Kasama ni Villarin ang magnificent 7 at ilang opisyal na tutol sa naging desisyon ng mayorya ng Korte Suprema.

Kailangan ng grupo ni Villarin na makakuha ng suporta sa siyamnapu’t walong kongresista upang maipasa ang impeachment complaint na malabo umanong mangyari ayon kay Batocabe.

Ihahain nina Congressman Villarin ang impeachment complaint bago mag break ang Kongreso sa Hunyo.

 

( Mon Jocson / UNTV Correspondent )

Tags: , ,