Impeachment committee, nakakita ng probable cause para i-impeach si CJ Sereno

by Radyo La Verdad | March 8, 2018 (Thursday) | 2443

Sa botong 38 at 2, nagdesisyon ang impeachment committee sa Kamara na may probable cause o sapat na basehan ang impeachment complaint laban kay Chief Justice Ma. Lourdes Sereno.

Bubuo ang kumite ng isang technical working body para gawin ang articles of impeachment.

Naniniwala si Justice Committee Chairman Reynaldo Umali na malakas ang kanilang mga edibensya laban kay CJ Sereno.

Subalit kinontra naman ito ni Dinagat Island Rep. Kaka Bag-ao na isa sa mga bumoto laban sa pag-impeach kay sereno.

Ayaw namang magkomento ni CJ Sereno sa naging resulta ng botohan sa Kamara.

Samantala, ayon kay House Majority Floor Leader Rudy Fariñas, ayaw na nilang maranasan uli ang kahihiyang inabot ng prosecution team noong impeachment trial ni dating Chief Justice Renato Corona dahil sa kakulangan ng paghahanda.

Miyembro si Fariñas ng prosecution panel noong impeachment trial ni Corona.

Ayon sa majority floor leader, pipili nalang ang kumite ng malalakas na grounds sa impeachment complaint na gagamitin laban kay CJ Sereno sa Senate impeachment court.

Sa ika-14 ng Marso pagbobotohan muli ng kumite ang articles of impeachment bago isumite sa plenaryo. Kapag nakakuha ito ng 1/3 o 98 na boto sa plenaryo, maaari na nilang dalhin ang articles of impeachment sa Senado para simulan ang pormal na paglilitis.

Ikinagalak naman ng Malacañang ang pag-usad ng impeachment complaint laban kay Sereno.

Una namang iginiit ni Pangulong Rodrigo Duterte na wala siyang kinalaman sa mga reklamo laban sa punong mahistrado.

 

( Grace Casin / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,