Immunization programs ng DOH, hindi na tinatangkilik ng publiko dahil sa kontrobersyal na Dengvaxia

by Radyo La Verdad | February 1, 2018 (Thursday) | 2199

Bumaba na ng 50-80% ang mga nagpapabakuna mula nang pumutokang isyu sa Dengvaxia vaccines. Kaya naman ikinababahala ito ng ilang medical experts.

Ayon kay former DOH Secretary Dr. Esperanza Cabral, malinaw aniya na nawawalan na ng tiwala ang publiko sa iba pang immunization programs ng Department of Health.

Bunsod nito, limampu’t walong mga doktor at siyentipiko ang naglabas ng kanilang posisyon sa pagkadismaya sa pangyayari. Nakakadagdag umano dito ang iba-ibang pahayag at opinyon sa isyu.

Masakit din aniya sa kanilang kalooban na nadadamay ang kredibilidad ng mga eksperto, DOH officials at ng mismong kagawaran dahil sa sari-saring akusasyon patungkol sa anti- dengue vaccine

Samantala, para kay dating Health Sec. Esperanza Cabral, dapat ituloy na lang ang pagbibigay ng kumpletong Dengvaxia sa mga nabakunahan na nito.

Ayon pa sa mga eksperto, mas malaki ang posibilidad na magkaroon ng outbreak sa mga sakit kapag hindi nagkaroon ng pagbabakuna sa mga infectious disease gaya ng measles, flu, polio, yellow fever, HIV at maging ng Japanese encephalitis.

Nirerespeto naman ni Sec. Duque ang opinyon ng mga eskperto ngunit mainam na hintayin din ang ilalabas na resulta mula sa mga sumusuri naman sa naturang bakuna at sa clinical analysis ng mga batang inuugnay ang kamatayan sa Dengvaxia.

 

( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,