Hindi na bago sa malakanyang ang mga hamon at isyung kinakaharap sa ngayon sa pagsasabatas ng panukalang Bangsamoro Basic Law.
Reaksyon ito ng Malakanyang kaugnay na rin sa pahayag ng Chair ng Senate Committee on Local Government Senator Ferdinand “Bongbong” Marcos Junior na hindi nila mamadaliin ang pagpapasa ng BBL upang ihabol lamang sa target deadline ng administrasyon.
Ayon kay Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, iginagalang nila ang mga proseso ng mababa at mataas na kapulungan ng kongreso sa BBL.
Nakiusap si Valte na huwag na sanang bigyan ng anumang malisya ang imbitasyon ni Pangulong Aquino na pakikipagpulong sa mga senador.
Tugon naman ito ng Malakanyang ,sa pahayag ni Senator Serge Osmena na hindi sasama sa naturang pulong dahil baka maakusahan siya na tatanggap ng pork barrel kapalit ng pagsuporta sa BBL
Pinabulaanan rin ni Valte ang isyu ng pamba-blackmail ng Malakanyang sa mga senador kaugnay naman ng inihahanda ng DOJ na 3rd batch na Pork Barrel Case na isasampa sa Office of the Ombudsman.
Sa kasalukuyan, labing isang senador na ang lumagda sa Committee report ni Senator Miriam Defensor Santiago, Chairman ng Committee on Constitutional Amendments and Revision of Codes kung saan nakasaad na dapat marebisa ang mga probisyon ng proposed BBL at makapapasa sa pagsisiyat ng Korte Suprema kaugnay ng legalidad nito. (Nel Maribojoc/UNTV News)
Tags: Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, Senator Ferdinand “Bongbong” Marcos Junior