Imbestigasyon sa umano’y paglaganap ng iligal na droga sa NBP, magiging patas – House Committee on Justice

by Radyo La Verdad | September 19, 2016 (Monday) | 1331

grace_hernandez
Hindi lamang kay Sen. Leila De Lima sesentro ang isasagawang pagdinig ng House Committee on Justice sa umano’y paglaganap ng ilegal na droga sa New Bilibid Prison.

Ayon kay House Deputy Speaker Ferdinand Hernandez, kabilang din sa iimbestigahan ang mga opisyal ng Bureau of Corrections, Nat’l. Bureau of Investigation at Philippine Drug Enforcement Agency.

Layon aniya ng pagdinig na alamin kung sino sa mga opisyal ng pamahalaan ang nagpabaya sa kanilang tungkulin at magamit ang mga makukuhang impormasyon sa paggawa ng mga batas.

Tiniyak naman ni House Committee on Dangerous Drugs Chairman Robert Ace Barbers na maraming isyung mauungkat bukas dahil sa testimonya ng mga witness ng DOJ.

Hindi naman tiyak kung mabibigyan ng pagkakataon ang lahat ng mga testigo na makapagsalita dahil limitado lamang ang kanilang oras.

Wala namang planong dumalo sa imbestigasyon si Sen.De Lima at hindi rin siya magpapadala ng kinatawan dahil hindi naman niya aniya kinikilala ang pagdinig ng kamara.

Hindi naman pipilitin ng mga kongresista si Sen. Leila De Lima kung ayaw nitong dumalo sa pagdinig bukas subalit paliwanag ng mga mambabatas na ito na sana ang pagkakataon upang sagutin ng senadora ang mga paratang laban sa kanya.

(Grace Casin / UNTV Correspondent)

Tags: , ,