Imbestigasyon sa umano’y conflict of interest ni SolGen Calida, isinagawa ng komite ni Sen. Trillanes

by Radyo La Verdad | September 4, 2018 (Tuesday) | 3990

Kanina habang isinasagawa ang imbestigasyon sa isyu ng conflict of interest ni Solicitor General Jose Calida ni Senator Antonio Trillanes IV, nakaabang naman sa labas ng Senate building ang mga tauhan ng Philippine National Police-CIDG na aaresto sa senador.

Itinuloy ng komite ni Senator Trillanes ang imbestigasyon sa security agency na pagmamay-ari ng pamilya ng SolGen na nakakuha ng mga kontrata sa pamahalaan. Daang milyong piso umano ang kinikita ng pamilya ng SolGen.

Habang nagsasagawa ng pagdinig ang komite ni Trillanes, may negosasyon naman na nagaganap sa pagitan ng mga tauhan ng Philippine National Police-CIDG at Senate Sergeant at Arms kaugnay ng gagawing pag-aresto sa senador, kung saan nakaabang sa labas ng Senado ang anim na sasakyan ng PNP.

Ayon sa senador, kinumpleto niya ang requirements para sa kaniyang amnestiya. Nakipagpulong ang senador kay Senate President Vicente Sotto III, at kaugnay nito ay mananatili umano siya sa kustodiya ng Senado, dahil malinaw umano na walang basehan ang pag-aresto at ito rin ang paniniwala ng minority senators.

Sa ngayon ay pinag-aaralan na ng legal team ng senador ang susunod na hakbang at kukuwestiyunin umano nila ito sa Korte Suprema.

 

( Roderic Mendoza / UNTV Correspondent )

Tags: , ,