Submitted for resolution na sa Department of Justice ang kasong rebellion laban kay Najiya Maute, ang asawa ni Mohammad Khayyam Maute na isa sa mga lider ng Maute-Isis group.
Inireklamo ng rebellion si Najiya dahil nakita umano itong naghahatid ng pagkain sa mga myembro ng Maute group sa isang mosque sa Marawi City. Nangyari umano ito noong Hunyo ng nakaraang taon sa kasagsagan ng Marawi Crisis. Pero naaresto si Najiya sa Cotabato City nito lamang January 23 at dinala sa DOJ para ma-inquest.
Dahil dito, nagpasya ang piskal na magsagawa ng preliminary investigation upang makapagbigay ng karagdagang ebidensiya ang PNP-CIDG at Judge Advocate General ng AFP na nagsisilbing mga complainant. Pero hindi na sumipot ang mga ito sa pagdinig.
Hindi na rin magsusumite ng counter-affidavit ang respondent kayat nagpasya si Senior Assistant State Prosecutor Peter Ong na tapusin na ang imbestigasyon.
Maglalabas na lamang ng resolusyon ang DOJ kung dapat kasuhan ng rebelyon ang byuda ng isa sa mga lider ng Maute group.
( Roderic Mendoza / UNTV Correspondent )
Tags: DOJ, Najiya Maute, reklamong rebellion