METRO MANILA, Philippines – Kinansela na ng Senate Committee On Public Order And Dangerous Drugs ang itinakdang pagdinig sa mga alegasyon ni alyas “Bikoy” bukas, May 10, 2019.
Agad ding ipinababawi ni Committee Chairman Sen. Panfilo Lacson ang imbitasyon kay Peter Joemel Advincula at sinabing wala nang kwentang patulan pa ang mga sinasabi nito.
Ginawa ni Lacson ang pahayag matapos ibunyag naman ni Senate President Vicente Sotto III na lumapit na sa kaniyang opisina si Advincula noong 2016 at isinasangkot sa iligal na droga sina dating Pangulong Benigno Aquino III at ilang miyembro ng gabinete nito.
Ipinakita ni Sotto ang matrix ng magkahiwalay na sinumpaan ni Advincula nang lumapit ito sa kaniya, at ang kaniyang naging pahayag sa Integrated Bar Of The Philippines noong May 6.
“Doon sa mga patron na sinasabi niya, makikita ninyo ang listahan na may mga code, code pa sýa…Elizalde Co, Former President Benigno Aquino, former Dilg Secretary Mar Roxas, former DOJ Secretary Leila De Lima, Teresita Raniola, Congressman Fernando Gonzales, Congressman Luis Villafuerte At Thomas Enrile. Ito ‘yung mga patron ng quadrangle syndicate”. Ayon kay Sotto.
Dagdag pa niya, na may ilang personalidad sa kaniyang salaysay noong 2016 na binanggit muli niya sa kanyang pahayag sa Integrated Bar Of The Philiipines presscon. Ngunit ngayon aniya, sina dating Davao City Vice Mayor Paolo Duterte, Attorney Manases Carpio at dating Special Assistant To The President Bong Go naman ang itinuturo ni Advincula.
Pinatingnan ni Senador Sotto ang account number na tinutukoy ni Advincula noong 2016 kung saan dito umano idinedeposito ang pera ng sindikato, bagay na itinanggi umano agad ng bangko. Pagkatapos nito, ay nagtext naman aniya si Advincula sa kaniyang staff at nag-iba uli ng kwento tungkol sa bank accounts.
“Ang kwento niya , pasensya na Sir, naglihim ako sa inyo at natatakot na rin ako sa seguridad ko, ‘di ko sa iyo sinabi noong una ang tunay na strategies nila sa pagdeposit ng pera sa China, malinis ang sindikato dito, ang lahat ng deposit account nila ay QNBC. ‘Yung QNBC, yung dinescribe niya, pinatanong naming, ang sabi, Quill Net Banking Corporations ng HSBC, tinanong ko rin yung sa HSBC yun, sabi niya theres no such thing”, ayon kay Senate President Sotto.
Ito aniya ang dahilan kaya hindi na niya pinatulan si Advincula.
Kaduda duda para sa Senador ang aksyon ngayon ni alyas Bikoy, na binago na lamang aniya ng kaunti ang kaniyang naging istorya noong 2016.
“On my part I did due diligence kaya noong 2016, hindi ko pinatulan ito, medyo iniba lang niya kaunti ang script, iniba ang personalidad, ito naman ngayon, so perhaps the best thing again to learn from this lesson, perhaps a good lesson to IBP and religious sector na huwag basta basta inga nga e patol ng patol sa mga ito”, ani Sotto.
(Nel Maribojoc | UNTV News)
Tags: Bikoy, Peter Joemel Advincula, Senate President Tito Sotto