Failure of governance o kapabayaan ng mga namumuno, ito ang isa sa nakikitang problema ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa Boracay kaya dumating sa punto na kinailangang pansamantalang ipasara ang isla upang isailalam sa rehabilitasyon.
Inihalimbawa ng kagawaran ang resulta ng ginawang pagsusuri ng Bureau of Inspection Committee (BIC) noong Miyerkules kung saan sa tatlumpu’t isang establisimentong kanilang pinuntahan ay iisa lamang ang talagang kumpleto sa mga permit.
Ilan sa mga napuntahan ng BIC ay nagsasabing hindi nila alam ang kumpletong papeles na kailangan sa pagpapatayo ng establisimento habang ang iba naman ay may dokumento kahit walang prerequisite permit.
Ayon kay Vincent Cifra ng DILG Plans and Programs, masasabing nagkaroon talaga ng kapabayaan sa tungkulin ang panig ng local govenrment unit at ilang government agencies.
Sa ngayon, patapos na ang case build up ng Boracay investigating team sa mga dati at kasalukuyang opisyal ng Aklan na maaaring may pananagutan sa nangyari sa Boracay.
Samantala, tiniyak naman ng Malay LGU na nakahanda silang harapin ang lahat ng kasong isasampa sa kanila ng DILG.
( Lalaine Moreno / UNTV Correspondent )