Imbestigasyon sa kaso ng pagpatay sa isang pharmacist sa San Jose del Monte Bulacan, nagpapatuloy

by Radyo La Verdad | September 28, 2017 (Thursday) | 3523

Imbestigasyon sa kaso ng pagpatay sa isang  pharmacist sa San Jose del Monte Bulacan, nagpapatuloy

Nagpapatuloy ang manhunt operations ng mga otoridad sa suspek sa pagpatay sa isang pharmacist sa San Jose del Monte Bulacan kagabi.

Nagpakalat na ang mga pulis ng larawan ng suspek sa Bulacan at parteng Caloocan City upang makakalap ng impormasyon sa pinagtataguan nito.

Alas sais singkwenta ng gabi noong Martes ng barilin ng improvised handgun ang biktimang si Loigene Geronimo, apat na pung taong gulang, sa loob ng kanyang botika.

Nakunan pa ng CCTV camera ang krimen kung saan makikita ang suspek na naka-sombrero na lumapit sa botika at tila kinakausap ang biktima. Makalipas ang ilang saglit ay pinaputukan na nito si Geronimo.

Ayon kay San Jose del Monte Chief of Police PSupt Fitz Macariola, nagpapatuloy ang kanilang imbestigasyon sa nangyaring krimen.

Sa ngayon ay nakaburol na ang labi ni Loigene sa barangay San Nicolas Bulacan Bulacan. Labis naman ang pagdadalamhati ng asawa at mga anak ni Loigene dahil sa sinapit ng kanilang ilaw ng tahanan.

Hustisya naman ang sigaw ng pamilya sa mga nasa likod ng krimen.

 

( Asher Cadapan Jr. / UNTV Correspondent )

 

 

Tags: , ,