Imbestigasyon sa kaso ng pagkamatay ng 17-anyos na si Kian Delos Santos, tututukan ng Commission on Human Rights



by Radyo La Verdad | August 21, 2017 (Monday) | 2823

Lalong naalarma ang Commission on Human Rights nang mapatay ang grade-11 student na si Kian Llyod Delos Santos sa anti-illegal drugs operation ng PNP noong nakaraang Linggo.

Bukod pa anila rito ang nasa walumpong nasawi sa loob lamang ng isang linggo sa Bulacan, Laguna, Cavite at Manila sa “One time, big time” operations ng PNP. Kaya naman ang CHR nangakong tutukan ang mga kasong ito.

Hiniling na rin nila sa pamilya ni Kian na magkapagsagawa ng sariling autopsy sa bangkay ng binatilyo.

Sa Kamara, nais rin ni Ifugao Rep. Teddy Baguilat na imbestigahan ang mga nabanggit na kaso. Aniya nanganganib na tuluyang mawala ang kapayapaan sa bansa kung hahayaan nating magpatuloy ang pagpatay.

Una naring nanawagan ng independent investigation si Vice President Leni Robredo sa kaso ni Kian nang personal itong bumisita sa burol ng binatilyo.

Samanatala ang PNP handa namang humarap sa anumang imbestigasyon. Ayon naman sa Malakanyang, may kalayaan ang bawat isa na magprotesta.

 

(Grace Casin / UNTV Correspondent)