Imbestigasyon sa Kaliwa Dam at water crisis, isinulong sa unang araw ng 18th Congress

by Radyo La Verdad | July 1, 2019 (Monday) | 3147

MANILA, Philippines – Naging tradisyon na sa mababang kapulungan ng Kongreso ang maagang paghahain ng mga panukalang batas at resolusyon. Kaya kanina maaga palang marami na ang nakapila para ihain ang mga panukalang batas ng mga bagong Kongresista sa 18th Congress.

Kabilang sa mga inihain na ay ang panukalang pagpapawalang bisa sa train at rice tarrification law, amyenda sa paryty-list at anti rape law.

Kasama rin ang panukalang batas kaugnay sa SSS pension increase, medical marijuana, coco levy, divorce, salary increase, anti political dynasty at freedom of information.

Samantala pormal naring naihain ang hiling na imbestigasyon sa Kaliwa Dam, insidente sa China Recto Bank at ang nararanasang krisis sa tubig.

Ayon kay Gabriela Rep. Arlene Brosas, malaking usapin ang kakulangan ng suplay ng tubig kaya dapat nang magkaroon ng kongkretong solusyon dito.

 “ ’Yan ang inaangal ng ating mamamayan kasi kahit tag-ulan ang sinasabi saatin walang tubig.” Ani Gabriela Rep. Arlene Brosas.

Malahaga sa mga Kongresista na sila ang maging principal author ng mga panukalang batas na noon pa man ay kanila nang isinusulong. Kaya ganun na lang ang pagnanais nila na mauna sa paghahain nito.

 “Kasi ang hinabol mo nalang ay kung principal author ka may mga measures talaga na from the beginning ay measure na ng mga kongresista yun ang inalagaan nilang bill for such a long time.” Dagdag pa ni Gabriela Rep. Arlene Brosas.

Samantala, sinabayan naman ng kilos-protesta ng ACT teachers party-list ang unang araw ng 18th Congress upang igiit ang pagpasa ng mga panukalang batas na magbibigay ng dagdag na benepisyo para sa mga guro.

(Grace Casin | UNTV News)

Tags: , ,