Imbestigasyon ng pamahalaan ukol sa drug-related killings sa Pilipinas, ‘di na kinakailangan- Malacañang

by Radyo La Verdad | June 25, 2018 (Monday) | 2383

Ginagawa na ng administrasyon ang kaukulang imbestigasyon sa mga drug-related killings sa bansa ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque.

Kaya hindi na aniya kailangang manawagan pa ng ibang bansa na gawin ito ng Philippine Government.

Reaksyon ito ng opisyal sa naging apela ng Iceland noong nakalipas na Martes, sa ngalan ng iba pang member states ng United Nations Human Rights Council (UNHRC) sa Philippine Government na dapat itong makipagtulungan sa international community sa pagtaya ng human rights situation sa Pilipinas.

Dapat din umanong makiisa sa United Nations System ang bansa kabilang na sa Human Rights Council at special procedure mandate holders nang walang preconditions o limitations.

Matatandaang hindi pinahihintulutan ng administrasyong Duterte na makapag-imbestiga sa anti-drug war campaign si Special Rapporteur on Extrajudicial Killings Agnes Callamard dahil sa pagiging umano’y may kinikilingan at di mapagkakatiwalaan nito.

Ayon naman kay Roque, may imbentaryo pa ang pamahalaan sa bilang ng mga napatay umano sa giyera kontra droga upang malaman kung talagang nasunod ba ang tamang proseso o hindi sa anti-illegal drug operations.

Dahil dito, ‘di na aniya kinakailangan pa ng panawagan ng mga dayuhan dahil ginagawa na ng pamahalaan ang obligasyon nitong siyasatin ang mga kaugnay ng kaso.

Dismayado naman si Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano sa naging hakbang ng Iceland at iba pang bansa matapos umanong anyayahan ang mga itong magtungo sa bansa upang personal na alamin ang sitwasyon ng karapatang pantao sa Pilipinas.

Tila aniya ‘di interesado ang mga ito sa katotohanan at bagkus ay nakadepende lang sa misinformation ng mga partidong ang layunin ay i-politicized ang usaping karapatang pantao.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

Tags: , ,