Imbestigasyon ng DOJ sa kaso nina Carl Arnaiz at Kulot de Guzman, masyadong pinatatagal – PAO Chief

by Radyo La Verdad | November 8, 2017 (Wednesday) | 3498

Napipikon na si PAO Chief Atty. Persida Acosta sa haba ng preliminary investigation ng DOJ sa kaso nina Carl Arnaiz at Reynaldo de Guzman.

Halos magdadalawang-buwan na ang imbestigasyon ng DOJ panel sa pagkamatay ng dalawang binatilyo, kayat hiniling niyang resolbahin na ang mga reklamong murder, torture at planting of evidence laban sa dalawang pulis-Caloocan.

Sa pagdinig kahapon, pinayagan pa ng panel sina PO1 Jeffrey Perez at PO1 Ricky Arquilita na isumite hanggang sa Biyernes ang salaysay nina Solomon Rosca at Madelene Soliman, na saksi umano sa insidente.

Ayon sa abogado ng mga pulis, malaking tulong ito sa kanilang depensa na napatay si Arnaiz matapos manlaban sa mga otoridad.

Pero aminado ang abogado na hindi pa nila nakakausap ang dalawang testigo dahil ngayon lang nila nakuha ang kopya ng salaysay na pinadala lamang sa LBC kaya’t hahanapin pa nila ito upang hikayatin na humarap sa DOJ panel.

Sabi naman ng PAO, wala na silang planong sagutin pa ang salaysay ng mga ito dahil tiwala silang malakas ang kanilang ebidensiya laban sa mga pulis.

 

( Roderic Mendoza / UNTV Correspondent )

Tags: , ,