Imbestigasyon kaugnay ng Davao Death Squad, pinabubuksan muli ni Sen. Trillanes

by Radyo La Verdad | February 21, 2017 (Tuesday) | 4535


Maaaring buksan muli ng Senado ang imbestigasyon ukol sa umano’y Davao Death Squad at sa mga kaso ng pagpatay sa Davao City noong alkalde pa lamang ng lungsod si Pangulong Rodrigo Duterte.

Ito ay matapos magmanipesto sa plenaryo si Sen.Trillanes kahapon kasunod ng naging press conference ni Retired Police Arthur Lascañas na nagsabing mayroon talagang Davao Death Squad.

Nai-refer ang manipesto ni Trillanes sa Committee on Public Order and Dangerous na pinamumunuan ngayon ni Sen. Panfilo Lacson.

Maaalalang noong Oktubre ay unang humarap sa pagdinig ng Senado si Lascañas at itinanggi ang mga pahayag noon ni Edgar Matobato.

Binawi lahat ito ni Lascañas kahapon at sa harap ng media ay dinetalye ang mga ginawang pagpatay umano noon ng DDS.

Aniya, umaabot hanggang isang daang libong piso ang bayad sa kanila ng noo’y si Davao Mayor Rodrigo Duterte kapalit ng pagpatay sa mga target.

Kabilang aniya sa kanilang mga isinagawa ay ang pambobomba sa ilang mosque, pag-massacre ng isang pamilya, pagpatay kay Jun Berzabal at sa radyo commentator na si Jun Pala.

Naging emosyonal naman siya nang aminin ang pagpatay sa sariling mga kapatid dahil sa kanyang katapatan sa kampanya kontra droga ni Mayor Duterte.

Nakiusap rin ito sa mga kapwa niya pulis na pakinggan ang kanilang mga kunsesnya at tigilan na ang mga pagpatay

Ayon naman sa kanyang mga abogado mula sa Free Legal Assistance Group o FLAG, kusang loob ginawa ni Lascañas ang pagbubunyag na ito at tetestigo rin ito laban sa pangulo at sa iba pang pinangalan niya.

Ayon din sa FLAG, kung mapatunayan ang mga alegasyon laban sa pangulo, maituturing itong valid ground para sa impeachment.

Bagaman bahagi ng FLAG si Atty. Jose Marie Diokno na tumatayong lead legal counsel ni Sen. Leila de Lima sa mga kaso nito na may kinalaman sa droga, kinlaro naman nitong walang ugnayan ang kaso ng senadora sa mga inihayag ni Lascañas.

Aniya, parehong kliente niya ang mga ito at walang kuneksyon ang development sa kaso ng senadora sa timing ng press conference ni Lascañas laban sa pangulo.

(Joyce Balancio / UNTV Correspondent)

Tags: , ,