METRO MANILA – Kinwestyon ng mga senador ang P42-B na inilipat na pondo ng Department of Health (DOH) sa Department of Budget and Management (DBM) – procurement service.
Isa ito sa nakitang deficiencies ng Commission on Audit (COA) sa naging paggamit ng COVID-19 funds noong nakaraang taon dahil sa kawalan ng ilang dokumento.
Ayon sa mga senador, kabilang dito ang anila’y overpriced na pagbili ng face masks at face shield.
Nasa P27 kada piraso ng face mask ang binili habang P120 naman kada piraso ng face shield.
Paliwanag ng DOH, ginawa ang pagbili sa mga ito noong walang pang Suggested Retail Price (SRP) at kinukulang pa ang suplay.
“We were looking at the reasonable price existing at that time. And because of global demands.”ani DOH – Procurement Service Dir. Paul Guimbarda.
Pero giit ng mga senador, napakalayo nito sa SRP na inilabas ng DOH noon ding nakaraang taon.
“DOH released a memorandum providing suggested retail prices for this items. 2-4 pesos per piece of face mask and 26 – 50 pesos per face shield. If you compare this to your statement na bago pa lang nun, ang laki naman po ng diperensya. Ang laki ng overpricing.” ani Senate Minority Leader Sen. Franklin Drilon.
“Sabihin na natin na very tight ang supply at that point, pero saksakan naman yata ng overpriced.”
ani Sen. Imee Marcos.
Nais matanong ng mga senador dating DBM-PS Head Undersecretary Christopher Lloyd Lao.
Pero ayon kay DBM Acting Secretary Tina Rose Canda, nagbitiw na sa pwesto si Lao noong Hunyo.
Nagturuan naman ang DOH at DBM sa delayed at hindi nagastos na special risk allowance at meal, accommodation, transportation allowance para sa mga health worker.
Kabilang sa mga idinaing ng ilang grupo na may mga health care worker ang hindi pa rin nakatanggap ng benepisyo simula pa Setyembre ng nakataang taon.
Ipinagtanggol naman ng ilang Senador ang Commission on Audit matapos ang paglalabas ng sama ng loob ni Duque sa pagdinig sa kamara.
“Kaya hindi dapat tayo nagwawala na winarat sila. Sorry sec. Duque I do not agree with your statement na winarat kayo. Ginawa ng COA ang tungkulin nila at kayo ay may pagkakataon na sumagot at ayusin ung mga kusot na nakita sa inyo.”ani Chairperson, Senate Blue Ribbon Committee Sen. Richard Gordon.
“lahat po tayo dito ay halos wala nang tulog. Hindi ito pa-contest ng kung sinong ahensya ang mas may maraming ginagawa at kung sino ang pinakapagod at nakakaawa. Ito po ay usapin ng pananagutan.”ani Sen. Risa Hontiveros.
Magkakaroon ng susunod na pagdinig ang Senate Blue Ribbon Committee sa August 25.
(Harlene Delgado | UNTV News)