Imbak na langis ng mga Oil Company sa Pilipinas sapat pa – DOE

by Erika Endraca | September 18, 2019 (Wednesday) | 9410

MANILA, Philippines – Wala pang direktang epekto sa suplay at presyo ng langis sa Pilipinas ang nangyaring pagpapasabog sa 2 malaking oil facilty sa Saudi Arabia.

Subalit mahigpit pa ring binabantayan ng Department of Energy (DOE) ang sitwasyon upang masiguro na hindi magkakaroon ng oil crisis sa bansa.

Ayon kay DOE OIL Industry and Management Bureau Assistant Director Rodora Romero, sa ngayon ay higit pa sa sapat ang imbak na langis ng mga oil company sa Pilipinas.

Ipinaliwanag rin nito na higit 12% lamang sa ina-angkat na langis ng Pilpinas ang nangagaling sa Saudi Arabia. At ang malaking bulto ay nangagaling sa United Arab Emirates.

“Nakahanda kami ang isang paghahanda ini-ensure namin with the oil companies na compliant sila sa minimum inventory requirement,ni-revive na rin ulit o binigyan ng instruction ni Secretary Cusi ang Philippine National Oil Company Energy Exploration na talagang mainvolve sa importation ng petroleum products” ani DOE Oil Industry And Management Bureau Assistant Director Rodora Romero.

Bukod pa rito, nakahanda na rin ang Estados Unidos at iba pang kasapi ng Organization Of Petroleum Exporting Countries (OPEC) na ilabas ang reserba nilang langis sakaling kulangin ang suplay sa world market.

Sa pagtaya ng ilang kumpanya ng langis, posibleng abutin ng P3.00 ang madaragdag sa presyo ng mga produktong petrolyo dahil sa pagkakaparalisa ng produksyon ng Saudi aramco.

Sakaling umabot sa ganitong sitwasyon, kakausapin ng DOE ang mga oil company na utay-utayin ang dagdag presyo upang hindi mabigatan ang mga motorista.

(Joan Nano | UNTV News)

Tags: ,