Iloilo Province, palalakasin ang tourism information drive ng lalawigan sa pamamagitan ng QR code

by Radyo La Verdad | November 30, 2018 (Friday) | 1626

Sa pagnanais na makapagbigay ng impormasyon sa mga turistang dumarayo sa Iloilo Province, gagamit ng Quick Response (QR) codes ang Iloilo Provincial Tourism Office sa mga munisipyo at landmarks sa lalawigan.

Ayon kay Iloilo Provincial Tourism Officer Bombit Marin, mapapabilis nito ang pagbibigay ng impormasyon sa mga local at domestic tourists na pupwede nilang ma-explore sa Iloilo katulad ng mga historical sites, beaches, camping areas at iba pa.

Ayon kay Marin, madalas na pinupuntahan ng mga turista ang mga tourism information centers na nakakalat sa lalawigan upang pagtanungan ng mga impormasyon hinggil sa kung ano pang mga tourism sites ang maaaring puntahan ng mga turista at papaano makakarating dito.

Ngunit kapag holidays at weekends ay sarado ang mga information centers kung kaya’t walang malalapitan ang ibang mga turista.

Upang masulusyunan ito, maglalagay ng mga QR codes ang Iloilo Tourism Office sa bawat munisipyo at ilang landmarks sa lalawigan.

Sa pamamagitan ng isang QR code reader application, maaaring i-scan ng mga android at IOS phone ng mga turista ang mga naturang QR codes upang ma-access ang mga impormasyon na nakalagay dito.

Nais din ng Tourism Office na sa pamamagitan ng mga QR codes ay maipaalam ang kasaysayan sa mga naturang tourist destinations.

Samantala, patuloy naman ang pagtaas ng bilang ng mga turistang dumarayo sa Iloilo Province.

Noong nakaraang taon, umabot sa mahigit 300,000 local at foreign tourists ang bumisita sa lalawigan ng Iloilo. Mas mataas ito kumpara sa mahigit 250,000 na mga tourista noong 2016.

Umaasa naman ang Iloilo Provincial Tourism Office na makakatulong ang QR codes upang makapagbigay ng kaalaman sa mga turista at mapataas pa ang tourist arrivals sa lalawigan.

 

( Vincent Arboleda / UNTV Correspondent )

Tags: , ,