Ilocos 6 pinalaya na kasabay ng pagdalo ni Gov. Imee Marcos sa pagdinig sa Kamara hinggil sa umanoy maanomalyang paggamit nito ng tobacco excise tax fund

by Radyo La Verdad | July 25, 2017 (Tuesday) | 1297


Matapos ang 55 araw na pagkakaulong sa loob ng Kamara pinauwi na ang anim na Local Provicial Officer ng Ilocos o ang tinaguriang Ilocos-6.

Ito’y matapos na sagutin na nito ang mga tanong na may kinalaman sa umanoy maamaanomalyang paggamit nito ng tobacco excise tax fund sa pagbili ng 115 mini truck noong 2011 at 2012.

Nagkaharap na sina Ilocos Norte Gov. Imee Marcos at Ilocos Norte 1st Dist. Rep. Rudy Fariñas sa pagdinig ng House Committee on good governance and public accountability.

Dito hiningi ni Fariñas ang paliwanag ni Marcos sa umanoy wala sa prosesong pagbili nito ng mga mini truck noong 2011 at 2012 na nagkakahalaga ng mahigit 66-milyong piso.

Sa gitna ng pagdinig binawi ng gobernadora ang kanyang mga naunang pahayag na sinuhulan umano ng mga Liberal Party Congressmen ang mga miyembro ng kumite para madiin siya sa imbestigasyon.

Muling ipagpapatuloy ang pagdinig sa August 9.

Samantala, pinasasagot na ng Korte Suprema si Cong. Rudy Fariñas sa omnibus petition nina Gov. Imee Marcos at ng tinaguriang Ilocos 6. Sampung araw ang ibinigay sa kongresista at sa house committee upang makapagsumite ng kanilang comment.

Bukod sa pagpapalaya sa Ilocos 6, hinihiling din sa petisyon na patigilin ang pagdinig ng kamara sa sinasabing anomalya sa paggamit ng pondo ng lalawigan mula sa tobacco excise tax.

Hinihiling din ni Gov. Marcos na mabigyan siya ng proteksyon laban sa mga pagbabanta umano ni Fariñas.

(Grace Casin / UNTV Correspondent)

Tags: , ,