Nakahanda na ang Iligan City Police Office sakaling opisyal na ideklara ni Pangulong Rodrigo Duterte na ibalik sa pambansang pulisya ang operasyon kontra iligal na droga.
Tiniyak naman ni PSSupt. Leony Roy Ga na hindi nila hahayaang mayroong malalabag at makapang-abuso sa kanilang mga tauhan sa gagawing operasyon kontra iligal na droga.
Isa sa mga prayoridad ng Iligan police kapag nangyari ito ay ang maideklarang drug cleared area ang buong syudad.
Sa ngayon, pitong barangay ang nasa ilalim ng kanilang recommendation list para maideklarang ligtas na sa iligal na droga. Kabilang dito ang brgy. San Miguel, Santo Rosario, Ditucalan, San Roque, Kiwalan, Tipanoy at Villa Verde.
Sa ngayon ay wala pang naideklarang drug cleared na barangay ang Iligan City.
Suportado naman ng mga brgy. officials ang PNP at umaasang malilinis nang tuluyan ang kanilang mga lugar mula sa droga at masasamang epekto nito gaya ng mga karumal-dumal na krimen.
Nakahanda naman ang lokal na pamahalaan na magbigay ng bodycam sa Drug Enforcement Unit ng PNP para maging transparent ang kanilang operasyon.
( Weng Fernandez / UNTV Correspondent )