Matapos ang isinagawang marine biodiversity assessment ng Boracay Inter-Agency Task Force, papayagan na muli ang pagsasagawa ng water sports activities simula sa ika-3 ng Nobyembre.
Ang mga water sports activities ay bahagi ng sustainable marine tourism ng task force .
Simula sa Sabado ay maaari na muli ang mga non-motorized water activities tulad ng stand up paddling o kayaking, kite surfing at snorkeling.
Ika-9 ng Nobyembre naman magsisimula ang mga towables tulad ng banana boat, flying fish, jetski, diving at parasailing. Habang ang island hopping naman ay papayagan na uli sa ika-15 ng Nobyembre.
Binigyan din ng zoning ang mga naturang water sports bilang bahagi ng pagre-regulate sa mga ito upang maingatan ang mga coral at marine biodiversity ng Boracay.
Paalala naman ng task force sa mga turista na huwag magkipagtransaksyon sa mga commissioner o free agents dahil ipinagbabawal na ito.
Sa halip, maaari silang makipag-coordinate sa isang registered tour coordinator na may I.D. o di naman kaya ay makipag-ugnayan sa kani-kanilang hotel o resort para sa mga water sports activities.
Pansamantala munang lilimitahan ang island hopping hanggang hindi pa naiinspeksyon ng lokal na pamahalaan ng Malay ang mga islang nakapalibot dito hinggil sa pagsunod sa mga batas pangkalikasan.
Oras namang masiguro ng Malay LGU at Department of Environment and Natural Resources (DENR) na compliant na rin sa environmental laws ang mga namamahala sa mga naturang isla ay maaari na muling maisama ito bilang island hopping destinations.
Ang sustainable marine tourism ay pinayagan matapos na ma-assess ang coral condition, fish population at anchorage area sa paligid ng Boracay Island.
( Vincent Arboleda / UNTV Correspondent )
Tags: Boracay, DENR, water sports activities