Sa kabila ng mahigpit na pagpapatupad ng social distancing at mass transportation ban ng pamahalaan dahil sa banta ng novel coronavirus disease (COVID-19), ilan pa rin sa ating mga kababayan ang hindi lubusang nakakasunod dito.
Sa isang subdivision sa Quezon City, kani-kaniyang diskarte ang mga tricycle drivers para kumita pa rin ng pera kahit na ipinagbawal na ang pamamasada ng traysikel sa lungsod.
Ang iba, kinalas ang sidecar ng kanilang tricycle unit upang makapamasada pa rin gamit ang motorsiklo at makapagpasakay ng kahit isang pasahero.
Bunga nito, hindi rin nasusunod ang itinatakdang at least one meter social distancing ng pamahalaan kontra sa coronavirus.
Sa videong ito na kuha ni Patricia Mae Ching, kita ang ale na ito habang sumasakay sa motorsiklo pauwi sa kanila mula umano sa isang grocery store upang bumili ng pangunahing bilihin.
Katwiran ng ale, mahirap maglakad mula sa kanila papuntang grocery at pabalik kaya kahit alam nilang bawal ito sa ngayon ay nagtitiyaga na lang siyang sumakay sa habal-habal.
Bente pesos ang singil ng mga driver sa pasahero saan man ito pupunta sa naturang subdivision.
Ilang ulit nang ipina-paalala ng mga otoridad na hangga’t umiiral ang enhanced community quarantine sa Luzon ay bawal muna ang pamamasada ng mga pampublikong sasakyan.
Hangga’t maaari ay hindi rin puwedeg lumabas ng bahay maliban kung bibili ng mga mahahalagang pangangailangan gaya ng pagkain at gamot.
Panawagan ng mga kinauukulan sa publiko na sundin ang mga inilatag na panuntunan upang mapigilan pa ang patuloy na pagdami ng dinadapuan ng coronavirus.
Sa ngayon ay nasa 193 na ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa bansa, 14 ang nasawi at pito ang gumaling mula sa sakit. – (RAJEL ADORA)