Ilang transport group, dumaraing na sa umano’y mabagal na aksyon sa hiling na taas-pasahe

by Radyo La Verdad | June 8, 2022 (Wednesday) | 6713

METRO MANILA – May mga nakabinbin pang petisyon ang iba’t ibang transport group para sa dagdag pasahe sa pampublikong jeepney mula sa National Capital Region (NCR) at CALABARZON.

Kabilang sa mga may pending petition ang grupong 1-Utak, Altodap, Acto at Pasang Masda.

Humihiling ang mga ito ng mula P5 – P6 dagdag sa minimum fare, at P1 provisional increase dahil sa patuloy pa ring pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.

Pero ayon kay LTFRB Executive Director Maria Kristina Cassion, ang fare hike ang pinakahuling tinitingnan ng ahensya na solusyon dahil posible itong magkaroon ng malaking epekto hindi lamang sa transport sector.

Sisikapin ng ahensya na madesisyunan ito matapos ang pagdinig sa June 28.

Para kay 1-Utak Chairperson Attorney Vigor Mendoza, tila hindi na patas ang nangyayari ngayon, kung saan hindi pa rin pinayagan ang hiling na taas-pasahe gayong inaprubahan na ang price hike sa ilang pangunahing produkto, maging ang umento sa sahod ng mga manggagawa.

Ayon pa sa transpo group, kung tutuusin ay kulang pa ang hinihingi nilang P2 dagdag sa provisional fare sa mga jeep.

Mula sa 300 pasahero kada araw, nasa P600 kita lang ang maidadagdag nito sa mga jeepney driver, lubhang mas maliit kumpara sa nasa higit P1,000 gastos sa krudo sa maghapong pamamasada.

Babala ng grupo kung hindi pa rin ito madedesisyunan ng LTFRB, ay plano nilang iakyat na ang reklamo sa korte suprema.

Habang ang Piston naman nagsagawa ng kilos-protesta kahapon (June 7) sa isang gasolinahan sa tapat ng LTFRB sa East Avenue sa Quezon City upang kondenahin ang anila’y kawalan ng aksyon ng gobyerno sa patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.

Ayon kay Piston National President Mody Floranda, kulang na kulang ang fuel subsidy na ipinamamahagi ng pamahalaan para tulungan ang mga naghihirap na tsuper.

Nauna nang nanawagan ang Malacañang sa mga transport groups na huwag na sanang magdaos ng tigil-pasada dahil ginagawa na ng pamahalaan ang lahat ng paraan para ibsan ang epekto ng oil price hike.

Inaasahan ng LTFRB na matatapos na ngayong linggo ang pamamahagi ng first tranche ng fuel subsidy kung saan aabot sa higit 260,000 na mga operator at driver ang makikinabang.

Posible pa anilang umabot ng hanggang Hulyo ang service contracting program dahil may natitira pang pondo na pwedeng ilaan sa programa.

(JP Nunez | UNTV News)

Tags: , ,