Ilang tips upang maiwasang maloko sa online shopping, alamin

by Radyo La Verdad | November 16, 2018 (Friday) | 3931

Limang taon nang bumibili ng iba’t-ibang uri ng gamit sa pamamagitan ng online shopping si “Manong”, hindi tunay na pangalan sa pamamagitan ng online shopping. Subalit hindi inakala ni “Manong” na magiging biktima siya ng panloloko.

Online shopping o e-shopping ang pagbili ng mga konsyumer ng mga produkto o pagkuha ng serbisyo sa pamamagitan ng internet.

Ang pinaniwalaan ni “Manong” na modernong mobile telescope zoom lens para sa mas malinaw na photo at video sa kaniyang cellphone na binili niya sa halagang 1,500 piso ay peke pala. Hindi na niya ma-trace at ma-kontak ang online seller upang humingi ng refund o maibalik ang naturang gadget.

Ngayong papalapit na ang holiday season, nagpaala-ala ang grupong Laban Konsyumer sa publiko sa mga dapat tandaan upang maiwasang mabiktima ng panloloko sa online shopping.

Una, maging mapanuri sa website ng online shop at tiyaking ligtas sa gagawing online transactions. Tumangkilik sa mga kilala nang online shops at alamin kung lehitimo ang kanilang contact information.

Kung hinihingi ng website ang paggawa ng personal account, gumamit ng matibay na password o combination ng mga numero, letra at simbolo.

Huwag ding lumikha ng account gamit ang public WiFi. Dapat malinaw ang terms at conditions ng mga produktong bibilhin sa online, lalo sa refund at return policy ng mga produkto.

Isang palatandaan na credible ang online shop kung may ganitong polisiya, bukod pa sa dispute mechanism sakaling magkaroon ng suliranin sa pagitan ng customer at ng seller.

Hangga’t maaari, mag-canvass din sa iba pang kilalang online shops upang makatipid at makakuha ng available discounts.

Alamin din ang trust rating at comments ng mga customer hinggil sa kanilang serbisyo at mga produkto sa isang partikular na online shop.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

Tags: , ,