Ilang tindahan sa Dapitan Arcade, pinagbabaklas ng I-ACT

by Radyo La Verdad | June 28, 2018 (Thursday) | 3797

Napaiyak na lamang si Aling Naty matapos baklasin ng mga tauhan ng Inter-Agency Council on Traffic (I-ACT) and kanyang maliit na tindahan.

Wala ring magawa si Aling Brenda kundi ang umiyak dahil kailangan din na baklasin ang kanyang maliit na barong-barong na nakatayo mismo sa bangketa.

Isang sulat ang natanggap ng I-ACT na inirereklamo ang mga naturang tindahan. Nakakasagabal rin umano ito sa daanan ng sasakyan sa kahabaan ng Dapitan at Kanloan sa Maynila.

Hindi makapalag ang mga nagtitinda dahil wala rin silang pinanghahawakan na katibayan na pwede silang pumwesto sa bangketa. Sinasabi lamang ng mga ito na pinayagan sila ng barangay na magtinda.

Ang katwiran naman ng mga opisyal ng barangay, pinapayagan nila ang mga ito tuwing ber months lamang dahil nagbebenta sila ng mga pang dekorasyon.

Subalit nanindigan ang I-ACT na iligal ang kanilang ginagawa. Sisiguraduhin ng I-ACT na hindi na makakabalik pa ang mga nagtitinda at ang papayagan na lamang ay ang hindi nakakasagabal sa daanan.

Ang Dapitan at Kanlaon Street ay bahagi ng Mabuhay Lane na alternatibong ruta ng mga sasakyan kapag mabigat ang traffic patungong Maynila at pabalik ng Quezon City.

 

( Mon Jocson / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,