Ilang taxi operator, hiniling sa LTFRB na ibalik sa P40 ang flag down rate

by Radyo La Verdad | January 20, 2017 (Friday) | 971

JOAN_IBALIK
Mula sa trente pesos, nais ng grupong Dumper Philippines Taxi Drivers Association Inc. na ibalik na sa kwarenta pesos ang flag down rate sa mga taxi.

Ayon kay Fermin Octubre, ang presidente ng Dumper, panahon na upang ibalik sa 40 pesos ang flag down rate sa mga taxi, dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.

Sa pagtaya ni Octubre, mula sa tatlong libong pisong kinikita ng isang taxi driver sa loob ng sampung oras na pamamasada, 1,500 nito ay inilalaan sa boundary, habang nasa 1,300 pesos naman ang ginagastos sa pagpapagasolina.

Ibig sabihin, nasa 200 pesos na lamang ang natitirang kita ng isang taxi driver sa loob ng isang araw.

Aniya kulang na kulang ito upang maitawid ang kanilang pang-araw araw na pangangailangan.

Tatlong beses na nanghain ng petisyon sa Land Transportation Office ang grupo hinggil sa flag down rate, subalit hanggang sa ngayon ay wala pa ring sagot dito ang ahensya.

Bukod sa hiling na increase rate, umapela rin ang grupo sa ltfrb na kanselahin ang certificate of accreditation ng Uber at Grab, na siyang pangunahin nilang kakompitensya.

Tutol naman sa panawagang ito ang ilang mga commuter.

Samantala sa darating na January 31, ay nakatakda namang dinggin ng LTFRB ang petisyon ng 40 pesos flag down rate na hiling ng mga taxi group.

(Joan Nano / UNTV Correspondent)

Tags: ,