Kinalakihan na ng vendor nasi Abdul Rashid Hadji Acmad ang tila ba walang katapusang gyera sa pagitan ng tropa ng pamahalaan at iba’t-ibang mga armadong grupo sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).
Ganito rin umano ang nakagisnang buhay ni Nailyn Mona sa Marawi.
Sa ngayon, kapwa sila matagal nang naninirahan at nagtatrabaho sa Butuan City matapos iwan ang umano’y kaguluhan sa kanilang lugar.
Ngunit ngayong ganap na batas na matapos lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Bangsamoro Organic Law (BOL), nagkaroon ng bagong pag-asa ang mga ito upang makamit ang inaasam na kapayapaan at magandang buhay sa kanilang lugar na sinilangan.
Nais umano nilang bumalik sa kanilang lugar kung makikita nilang umaasenso at mapayapa na ang ARMM dahil sa BOL.
Nagpahayag din ng iba pang Maranao sa Butuan City ang kanilang tuwa sa paglagda ni Pangulong Duterte sa BBL.
Tinitignan ng maraming Muslim ang BOL bilang susi sa pangmatagalang kapayapaan sa Mindanao.
Naniniwala silang mababawasan na ang mga armadong grupo kung meron na silang sariling gobyernong nakatutok sa pag-unlad ng rehiyon.
( Raymond Octobre / UNTV Correspondent )
Tags: Abdul Rashid Hadji Acmad, ARMM, BOL