Ilang supermarket, hindi pa rin nagbaba ng presyo ng ilang bilihin

by Radyo La Verdad | December 7, 2018 (Friday) | 8560

Nag-ikot sa ilang mga supermarket sa Metro Manila ang isang consumer group upang tignan kung sumunod ba ang mga ito sa adjustment ng presyong ipinag-utos ng Department of Trade and Industry (DTI). Dapat ay mag-adjust na ng presyo ang ilang kilalang brand ng tinapay at maging ng sardinas.

Batay sa suggested retail price (SRP), dapat ay bumaba ang presyo ng tinapay at magtataas naman ng presyo ang sardinas. Pero nadiskubre ng grupo ng Laban Konsyumer na mayroong ilan na hindi pa rin ipinapatupad ang price adjustment.

Ang isang pack ng loaf bread na inanunsyong bababa ng dalawang piso, hindi pa rin nagpapalit ng presyo. Maging ang isang kilalang brand ng tinapay na nagpahayag magbaba ng limang piso, wala pa rin pagbabago. Ang isang brand naman ng sardinas, mas mataas ng 75 sentimos hanggang 1.30 ang presyo kumpara sa nakalagay sa SRP.

Agad na kinausap ng grupo ang manager ng supermarket upang hilingin na dapat ay mag-adjust na sila ng presyo. Pero ayon sa Laban Konsyumer, hindi dapat taga-anunsyo lamang ng price adjustment ang DTI, kundi taga-pagpatupad rin.

Noong isang araw ay inanunsyo ng Malacañang na unti-unti ng bumababa ang inflation sa bansa. Ibig sabihin, bumababa na ang presyo ng mga bilihin.

Pero para sa ilang nga konsyumer, mukang hindi pa nila masyadong maramdaman ang sinasabing pagbabago.

Nagbabala naman ang DTI sa mga supermarket na hindi susunod sa SRP.  Bagaman walang kapangyarihan ang DTI na magtakda ng presyo, dapat sumunod ang mga supermarket owner lalo na kung ang mismong manufacturer na ang nagsabi sa kagawaran na magbababa na sila ng presyo ng kanilang produkto.

( Mon Jocson / UNTV Correspondent )

Tags: , ,