Ilang senador, umaasa ng pagbabago sa bansa ngayon 2017

by Radyo La Verdad | January 2, 2017 (Monday) | 2585

senate
Ngayong nagpalit na ng taon kanya-kanyang hiling ang mga senador ng mga ninanais nilang pagbabago ngayong 2017.

Ayon kay Sen. Panfilo Lacson, panahon na para maging multi-dimensional si Pangulong Rodrigo Duterte at tutukan ang iba pang problema ng bansa.

Aniya, sinasagot na ng Philippine National Police, Philippine Drug Enforcement Agency at National Bureau of Investigation ang problema sa droga.

Ang kurapsyon aniya ang isa pang isyu na maaaring baguhin ng Pangulo gamit ang kanyang political will.

Kapag natanggal aniya ang kurapsyon, mas magandang mga bagay ang maaaring mangyari sa bansa.

Umaasa rin si Lacson na babaguhin ang ilang asal nito at magdebelop ng mga katangian ng isang stateman.

Maaari rin aniyang gayahin ng bansa ang Singapore bilang isang modelo ng diktaturya.

Umaasa naman si Sen. Leila De Lima na sa kabila ng umanoy dumaraming kaso ng mga namamatay, naway mas maraming Pilipino ang maging mapagmalasakit sa kanilang kapwa ngayong taon.

Magkaroon din aniya sana ng pagrespeto sa karapatang pantao at magkaisa ang bansa para sa mapaya at makatarungang bansa.

Para naman kay Sen. Francis Pangilinan nagpapahiwatig ang bagong taon ng pagkalipas at panimula.

Marami man aniya ang hindi magandang nangyari noong nakaraang taon, ito ang pagkakataon para magplano ng pagbabago sa bansa.

Umaasa ang Senador na ngayong 2017, magtatanim ang mga Pilipino hindi ng sama ng loob, kundi ng kabutihang loob na dulot ng pag-asa at pagmamahalan.

Para naman kay Sen. Vicente Sotto III, sanay magdala ang baging taon ng bagong lakas, tapang at karunungan para maging Drug Resistant ang bansa.

(Joyce Balancio / UNTV Correspondent)

Tags: ,