Naniniwala ang ilang senador na makatutulong sa pag-unlad ng bansa ang pagsasabatas ng anti-political dynasty bill sa bansa.
Kumbinsido rin ang ilan sa mga ito sa pagsasaliksik na ginawa ng mga eskperto kaugnay ng political dynasty sa bansa.
Batay sa isinagawang pag-aaral ng Ateneo School of Government, mula 2007 hanggang 2016, umiiral ang political dynasty o magkakamag-anak ang karamihang nakaupo o nanunungkulan sa pamahalaan sa limang pangunahing mahihirap na probinsya sa bansa . Ito ay ang Lanao del Sur, Maguindanao , Northern Samar, Saranggani at Sulu.
Kung maisasabatas ang panukala, lilimitahan lamang ang bilang ng maaring tumakbo sa isang pamilya o magkakamag-anak.
Pero ang problema, hanggang sa ngayon hindi pa rin sila nagkakasundo kung hanggang saang level maituturing na kabilang na sa political dynasty.
Para naman kay Senator Grace Poe, mas dapat itong bigyan ng prioridad na maisabatas kaysa sa isinusulong na pederalismo.
( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )