May kaniya-kaniya nang plano ang mga senador na matatapos na ang termino sa 2019. Kabilang sa mga ito sina Senators Francis Escudero, Gringo Honasan, Loren Legarda at Antonio Trillanes IV.
Sa text message ni Sen. Trillanes, balak muna niyang magpahinga sa pulitika at magpatuloy sa pag-aaral. Habang si Senator Escudero naman ay nag-iisip kung tuluyan nang magreretiro sa pulitika.
Samantala, posibleng makipagsapalaran pa para sa ikalawang termino sina Senators Sonny Angara, Bam Aquino, Nancy Binay, Joseph Victor Ejercito, Grace Poe at Cynthia Villar.
Si Senate President Aquilino ‘Koko’ Pimentel III, nahaharap naman sa legal issue. Nakasaad sa konstitusyon na dalawang magkasunod na termino lamang pinapayagang magsilbi ang isang senador.
Si Senator Pimentel ay opisyal na naging miyembro ng senado noong August 2011. Kasunod ito ng pagbibitiw sa pwesto si Senator Juan Miguel Zubiri bago pa man magdesisyon ang electoral tribunal kaugnay ng naging protesta ni Pimentel noong 2007 elections. Tumakbo muli at nanalo naman si Pimentel para sa ikalawang termino noong 2013.
Una nang sinabi ng Senate President na walang partikular na probisyon sa batas ang kaniyang naging sitwasyon kaya maaari siya muling tumakbo sa 2019.
Sang-ayon naman dito ang election lawyer na si Attorney George Erwin Garcia. Inihalintulad ni Garcia ang naging kaso ng kaniyang kliyente na si Viga Catanduanes Mayor Abelardo Abundo, kung saan pinayagan ng Korte Suprema ang 3-term mayor na magsilbi sa ika-apat na termino dahil na-interrupt ang kaniyang ikalawang termino ng electoral protest.
Halos dalawang taon pa bago ang 2019 midterm elections, ngunit ngayon pa lamang ay may kaniya-kaniya nang posibleng pambato ng mga magkakalabang partido.
Siyam na pangalan na ang sinasabing kasama sa listahan ng 2019 senatoriables ng ruling party na PDP-Laban, ito ay sina Presidential Spokesperson Harry Roque, PCO Asec Mocha Uson, Rep. Karlo Nograles, Rep. Albee Benitez, Rep. Geraldine Roman, Francis Tolentino, Rep. Rudy Fariñas, Senator Koko Pimentel at DOJ Sec. Vitaliano Aguirre.
Mula naman sa opposition group na Liberal Party, matunog ang pangalan nina Senator Bam Aquino, Atty. Erin Tañada at Teofisto Guingona.
( Nel Maribojoc / UNTV Correspondent )