Ilang Senador, nanawagang payagan na ang pilot testing ng face-to-face classes sa mga piling eskwelahan

by Erika Endraca | February 25, 2021 (Thursday) | 7693

METRO MANILA – Nanawagan ang mga senador sa Department of Education na muling isulong ang naunsyaming pilot testing sa face to face classes. Sa pagdinig ng Senate Committee on Basic Education kahapon,

Naaprubahan na ito noong Disyembre ni pangulong duterte na kalauna’y binawi dahil sa pangamba sa bagong variant ng covid-19 hanggang nagdesisyon ang pangulo na hangga’t walang bakuna, walang balik eskwela.

“Hinayang na hinayang ako sa nawalang taon sa ating kabataan. At  sana mapatunayan sa sunod-sunod na hearing na talagang karapat-dapat lang na magbukas ang mga eskwelahan sa lalong madaling panahon. Nauna pa sana sa mga malls, sa mga sinehan, sa mga gaming arcade.” ani Sen. Imee Marcos.

“Parang kulang sa persuasive powers ang deped kasi tingnan ninyo, dapat papayagan na yung mga kabataan nating pumunta sa arcade centers, pwede na silang pumunta sa malls, hindi ko maintindihan, pero hindi sila pwedeng bumalik sa classrooms at a limited number of students.” ani Sen. Nancy Binay.

Batay sa datos ng UNICEF, isa ang Pilipinas sa nalalabing labing-apat na bansa sa buong mundo at ang kaisa-isa sa Asia Pacific Region na hindi pa sumusubok na magbalik eskwela simula nang tumama ang Covid-19 pandemic.

Ayon naman sa philippine pediatric society, may epekto rin sa mga bata ang matagal na hindi pagpasok sa eskwela.

“Disruptions can result in a significant learning loss, which can be quantified as 1 year school closure would be equivalent to 2 years of learning loss. And in the long term, there is a decreased motivation to learn. Some children may not return to school.” ani Philippine Pedriatic Society Dr. John Andrew Camposano.

Ayon kay Senator Sherwin Gatchalian, dapat nang subukan ang pilot testing dahil may mga pag-aaral sa Amerika na ligtas sa mga pag-aralan basta’t nasusunod ang safety protocols.

“We should get ready for that eventuality. Hindi naman ho dapat marami, we can actually start in areas which has zero covid (cases).” ani Senate Committee on Basic Education Chairperson, Sen. Sherwin Gatchalian.

Panukala rin ni Senator Francis Pangilinan, bawasan muna kahit sa 100 ang mga eskwelahan na sasailalim sa pilot testing.

Nakahanda naman umano ang DepEd sakaling mapayagan nang muli ang pilot testing program. Tatalakayin naman nito ang mga naging rekomendasyon sa pagdinig.

Nasa isang libong eskwelahan ang tinatayang sasailalim sa pilot testing sa buong bansa na limitado sa MGCQ areas.

May susundin na mahigpit na checklist ang mga eskwelahan, lgu at maging ang mga magulang upang matiyak ang kahandaan at pagsunod sa health protocols.

Ang ilan grupo,  sang ayon din na maisulong na ang pilot face-to-face classes dahil na rin sa hamon ng distance learning.

Suportado naman ng dilg ang panukala. Tiniyak din nito na kasama ang mga guro sa “essential workers” na kabilang sa priority list ng vaccination program.

Muling haharap ang DepEd sa komite sa susunod na linggo para ilahad ang detalyadong plano para sa pilot face-to-face classes.

(Harlene Delgado | UNTV News)

Tags: ,