Hinikayat ni Senator Antonio Trillanes ang pamahalaan na maghain ng diplomatic protest laban sa China, ito ay matapos pangalanan ng China ang limang under water sea features ng Benham o Philippine Rise kasunod ng isinagawang Marine Research noong 2004.
Inaprubahan ng International Hydrographic Organization noong nakaraang taon ang pangalang ibinigay ng China sa naturang mga sea features.
Ang ikinagagalit ng senador, lenguahe ng China ang ginamit sa pagpangalan sa mga sea features sa kabila ng kinikilala ng United Nations na bahagi ng teritoryo ng Pilipinas ang Benham Rise.
Ayon kay Trillanes, ang paghahain ng diplomatic protest ay upang ipakita ang mariing pagtutol ng Pilipinas sa hakbang na ito ng China. Sang-ayon naman dito ang ilang senador.
Pangamba naman ni Senator Panfilo Lacson, hindi malayong ito naman ang sunod na angkinin ng bansang China. Pero si Senate President Aquilino Pimentel, hindi nababahala dito.
Ayon naman kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, hindi kinikilala ng pamahalaan ang mga pangalang ibinigay ng China sa undersea features ng Philippine Rise.
Inirekomenda na aniya ng Philippine Embassy sa Beijing na ipaalam ito sa China at sa komisyong nangangasiwa sa pangalan ng mga undersea features ng mga bansa sa mundo o sa IHO.
( Mai Bermudez / UNTV Correspondent )
Tags: China, diplomatic protest, Trillanes