Ilang senador at grupo, binatikos ang pahayag ni Pang. Duterte laban sa COA

by Radyo La Verdad | August 18, 2021 (Wednesday) | 11058

Hindi dapat pakialaman o pigilan ng alinmang ahensya ng pamahalaan ang Commission on Audit (COA) dahil ginagawa lang nito ang kanilang trabaho, ‘yan ang reaksyon ni senator Risa Hontiveros sa sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang gabinete kagabi (Aug. 17, 2021) na huwag nang pansinin ang ulat na nilalabas ng COA.

Sinabi pa ng Punong Ehekutibo na hindi na dapat isinasapubliko ng COA ang kanilang report dahil nakasisira lamang ito sa mga ahensiya ng gobyerno.

Si senator Juan Miguel Zubiri naman, sa halip na punahin aniya ang COA, mas magandang pagbutihin ng Department of Health at ng ibang ahensya ang kanilang trabaho batay sa nakitang deficiencies.

Samantala, ang anti-corruption group na Infrawatch PH ay sinabing kinontra na ng Pangulo ang kanyang kampanya laban sa kurapsyon at lumilitaw na pinoprotektahan pa nito ang mga katiwalian sa pamahalaan.

“Dahil mayroong katiwalian, dahil may nakikitang pagkukulang ay talagang gustong taluban ng Pangulo ang lahat ng institusyon pero mataas po ang tiwala natin sa historical role ng COA sa loob ng mahabang panahon,” ani Terry Ridon, Convener, Infrawatch PH.

Ang National Union of Peoples Lawyers, naniniwalang walang bahid ng politika ang ginawa ng COA.

“Hindi na tayo naubusan ng panggugulat mula sa ating Presidente, nakakabahala. Isa na naman ito sa mga latest na pananalita na medyo delikado ang implikasyon sa maraming dahilan. Una, ang COA ay isang dapat independiente na commission na constitutional,” pahayag ni Atty. Edre Olalia, President, NUPL.

Nakababahala umano ang naging pahayag ng Pangulo dahil tila gusto nitong kontrolin ang lahat ng ahensya kahit ang mga hindi na saklaw ng kanyang opisina.

Dante Amento, UNTV News

Tags: , , ,