Ilang security officers pinabulaanan sangkot sila sa modus na laglag bala sa NAIA

by Radyo La Verdad | September 28, 2015 (Monday) | 1370

CATACUTAN-Pajarillo
Dumulog sa tanggapan ng Law Center ni Kuya sina Leopoldo Catacutan isang screening officer at si Charito Pajarillo, lider ng team bravo ng Office for Transportation Security ng Department of Transportation and Communication ng NAIA Terminal 2.

Ito ay upang humingi ng payong legal kaugnay ng pagkaka-upload ng isang video sa social media, na nagsasangkot sa kanila sa kontrobersyal na modus operandi na laglag bala sa mga paliparan.

September 25, pasado alas otso ng gabi nang mai-upload sa facebook ang labing-isang segundong video, kung saan makikita sina Catacutan at Barrozo na nagsasagawa ng inspeksyon sa bag ng isang pasahero sa NAIA Terminal 2.

Maririnig din sa nasabing video ang tinig ng isang babae, na nagsasabing ito ay isang kaso ng laglag bala sa mga paliparan.

Bukod pa rito, kapansin-pansin rin ang caption ng video, kung saan binilugan pa ang mukha ng dalawang security personnel.

Umani ng mahigit sa seventy thousand views ang video post, at sari-saring pagbatikos mula sa mga netizen.

Ngunit mariin nilang pinabulaanan ang akusasyon sa kanila, at iginiit na marangal nilang ginagampanan ang kanilang trabaho.

Kwento pa ni Barozzo, nakiusap pa sa kanya ang nasabing pasahero, ngunit iginiit niya dito na kailangan nilang ipatupad ang mahigpit na seguridad sa paliparan.

Plano rin nila na dumulog sa National Bureau of Investigation upang humingi ng tulong kung papaano matutunton ang nag-upload ng video upang papanagutin ito.

Sa ngayon ay hinihintay pa ng mga ito na ipatawag sila ng NAIA Management, ngunit tiniyak na may sapat silang ebidensya na nagpapatunay na walang katotohanan ang paratang laban sa kanila.

Una ng inihayag ng Malakanyang na magsasagawa na ng imbestigasyon ang DOTC at MIAA hinggil sa naturang isyu sa mga paliparan. (Joan Nano / UNTV News)

Tags: , , ,