Ilang ruta ng mga PUV sa PITX, inilabas ng DOTr

by Radyo La Verdad | November 13, 2018 (Tuesday) | 4669

Opisyal nang nagsimula ang operasyon ng tinaguriang kauna-unahang landport o ang Parañaque Intergrated Terminal Exchange (PITX).

Kahapon nagsimula nang dumagsa ang mga pasahero sa bagong bukas na terminal at nakapwesto na rin ang ilang mga pampulikong sasakyan na may rutang Cavite, Batangas at iba’t-ibang mga lugar sa Metro Manila.

Kabilang sa mga ruta ng provincial bus na nakaterminal na sa PITX ang mga biyahe patungong Naic, Indang, GMA, Nasugbu, Tagaytay, Tanza at iba pa.

Para naman sa mga ayaw mag-bus, mayroon din silang masasakyan na provincial jeepneys na may rutang Paliparan, Dasmariñas, Imus at Bacoor.

Ang mga city buses naman na may biyaheng Novaliches, Monumento, Fairview, Malanday, Sapang Palay, Grotto at Navotas ay nakapwesto na rin dito.

Mayroon ring masasakyan na mga point to point buses na biyahe patungong Ortigas at Makati.

Ngunit bagaman malawak, malamig at makabago ang mga pasilidad, marami sa mga pasahero ang nagrereklamo dahil sa anila’y pahirapan at nakakalitong sistema sa terminal.

Pero kung may mga nagreklamo, may ilang pasahero rin naman ang natuwa sa bagong terminal.

Ayon naman sa pamunuan ng Megawide na nangangasiwa sa PITX, nauunawaan at tinatanggap nila ang lahat ng kritisismo ng mga pasahero.

Ipinaliwanag ng mga ito na hindi naman maiiwasan na sa una ay mahirap ang sitwasyon lalo’t bago ang sistema.

Una na ring ipinahayag ng Department of Transportation (DOTr) na inaasahan na nila ang ganitong reaksyon ng mga pasahero.

Pero naniniwala ang ahensya na sa simula lamang ito at masasanay rin kalaunan ang mga pasahero.

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

Tags: , ,