Ilang residente sa Basilan, nangangamba para sa kanilang kaligtasan sa papalapit ang halalan

by Radyo La Verdad | March 28, 2016 (Monday) | 1197

DANTE_NANGANGAMBA
Nangangamba ang mga residente sa Basilan para sa kanilang kaligtasan lalo na sa papalapit na halalan.

Bukod sa nagkukuta sa kanilang lugar ang teroristang Abu Sayyaf ay mataas ang kaso ng election-related crimes dahil sa mahigpit na labanan ng mga magkatunggali sa pulitika.

Ayon sa ilang residente, tuwing sasapit ang halalan ay gumagawa ng karahasan ang mga masasamang loob upang hadlangan ang proseso ng eleksyon.

Partikular nilang inaalala ang kaligtasan ng mga guro na magsisilbing Board of Election Inspectors o BEI dahil na rin sa mga insidente ng kidnapping.

Ngayong natapos na ang Basilan Circumferential Road, umaasa ang mga residente na makakatulong ito upang mapangalagaan ang kanilang mga buhay sa banta ng karahasan sa pamamagitan ng mas madalas na pagpapatrolya ng mga otoridad.

Apela rin nila sa pamahalaan na mabigyan ng sapat na seguridad ang lahat ng mga tauhan ng COMELEC at mga guro partikular sa mga liblib na lugar.

(Dante Amento / UNTV Correspondent)

Tags: ,