Sa mga pagkakataong magkakasama, nagkakakwentuhan at nagkakatawanan, pansamantalang napapawi sa isipan ng ilang evacuee ang bangungot na naranasan sa Marawi.
Subalit nananatili pa rin ang takot at pangamba lalo’t hindi pa tapos ang krisis sa lungsod.
Kabilang sina Naima Suba at Bai Muna Amintao sa mahigit 400 evacuee na kinukupkop sa barangay Bito Buadi Itowa sa Marawi City, may ilang kilometro lang ang layo mula sa mismong war zone.
Hirap ang mga evacuee sa kanilang tinitirhang mga tent dahil madalas ang ulan at maputik ang palibot ng lugar. May naipatayo mang temporary shelters, subalit para pa lamang ito sa iilan.
Pero bukod sa takot, galit rin ang nararamdaman ng ilang residente sa mga taong reponsable sa nagpapatuloy na krisis sa Marawi.
Ang iba, nakatanggap na ng balita na may mangyayaring gulo subalit hindi ito binigyan ng importansya.
Umaasa na ang mga ito na makababalik na sa kanilang lugar subalit nag-aalala rin kung may tahanan pa silang mauuwian.
( Victor Cosare / UNTV Correspondent )