Ilang produkto na patok tuwing holiday season, posibleng magtaas ng presyo

by Erika Endraca | October 21, 2020 (Wednesday) | 3902

METRO MANILA – Humihiling sa Department of Trade and Industry (DTI) ang ilang manufacturers ngayong nalalapit na ang Disyembre, na payagang magtaas ang presyo ng mga produktong patok tuwing holiday season.

Ayon sa DTI nasa 5 kumpanya ang humihirit ng dagdag presyo dahil na rin sa pagtaas ng presyo ng raw materials.

Pero tumanggi pa ang DTI na tukuyin ang partikular na mga produkto habang pinagaaralan pa ng consumer protection group kung aaprubahan ang price increase.

“Wide po yung range na hinihingi nila from less than 1% to about 3% , every year tlagang may mga brands na nagrerequest ng price adjustment to cover for increases in cost nila, ito po ay inaaral ngayon ng ating consumer protection group at kung reasonable yung mga increase at kung hindi man ay binabawasan kung ano mang increase hinihingi nila”ani DTI Sec.Mon Lopez.

Kasama rin sa humihiling ng dagdag presyo ang ilang brand ng delata gaya ng sardinas at canned meat.

Samantala, pinapayagan na muli ng DTI ang pagsasagawa ng mga mall wide sale.

Ayon kay DTI Secretary Mon Lopez layon nito na hikayatin ang mga tao na suportahan ang muling pagbangon ng ekonomiya ng bansa lalo’t nalalapit na ang holiday season.

“Payagan ulit natin para restimulate ulit ang dami ng tao sa mall dahil nakita natin as we repopen hindi pa ganun kadami yung mga nagpupunta sa mall so isang panghikayat ulit para sumigla ang ekonomiya ay buksan ulit natin o payagan natin pagagawa ng mall sale o whether sa isang tindahan”ani DTI Sec.Mon Lopez.

Sa ngayon nakabalik na muli sa operasyon ang halos 95% ng mga establisyimento sa bansa makalipas ang pitong buwan na lockdown.

(Joan Nano | UNTV News)

Tags: ,